Monday, November 13, 2017

Mga makapangyarihang bansa kaibigan ng Pilipinas

                     Tiniyak kahapon ni United States President Donald Trump kay Pa­ngulong Rodrigo Duterte sa kanilang bilateral talks na kaibigan niya ang Duterte administration.
                    Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, tumagal ng halos isang oras ang bilateral meeting nina Pangulong  Duterte at Trump kung saan ay pinatatag pa lalo nito ang ugnayan ng Pilipinas at US na ginanap sa PICC, Pasay City matapos ang formal opening ng plenary session ng 31st ASEAN Summit sa Cultural Center of the Philippines (CCP).
                   Ayon kay Roque, nag­karoon ng prangkang usapan sina Pangulong Duterte at Trump na inabot ng 40 minuto kung saan siniguro ni Trump na kaibigan siya ng Pangulo at gaya ng nagdaang mga administrasyon ng Estados Unidos ay patuloy ang “close ties” o magandang relasyon sa pagitan ng dalawang nabanggit na bansa.
                   Nangako si Trump na malalapitan siya bilang isang kaibigan ng Duterte administration.
                    Sinabi ni Roque na hindi natalakay sa pag-uusap nina Duterte at Trump ang isyu ng karapatang pantao.
                 “The issue of human rights did not arise. It was not brought up,” wika ni Roque.
                   Mismong si Pangulong Duterte umano ang nagbukas ng isyu ng drug war nito kay Trump at walang opisyal na inilabas na posisyon ang US president sa mainit na usapin sa extra judical killings o human rights.  
                    “It was President Duterte who discussed with President Trump the drug menace in the Philippines, and the US President appeared sympathetic and did not have any official position on the matter, merely nodding his head, indicating that he understood the domestic problem that we face on drugs,” dagdag ni Roque.
                     Tinalakay din ng dalawang lider ang usapin ng kalakalan at iminungkahi ni Pangulong Duterte ang kahalagahan ng pagkakaroon ng free trade sa pagitan ng Pilipinas at US at sinabi ni Trump na kanyang pag-aaralan ang usapin.
                     Pinasalamatan umano ni Duterte si Trump dahil sa mga tulong ng US sa Marawi conflict.
                     Pinuri at pinasalama­tan pa ni Trump ang Pa­ngulo sa matagumpay na pagiging host ng 31st ASEAN Summit.
                    “Rodrigo (Pres. Du­terte), I would like to commend you on your success as ASEAN chair at this critical moment of time ...The show last night was fantastic. And you were fantastic,” wika ni Trump sa ginanap naman na ASEAN-US 40th Anniversary Commemorative Summit.
                        Muling tiniyak ng US president na lalong pala­lakasin ng Trump admi­nistration ang relasyon nito sa Pilipinas gayundin sa ASEAN.

Pilipinas nakiisa sa pagpirma sa ‘landmark document’

                   Nakikiisa si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga world leaders at dialogue partners sa layuning lagdaan sa isang “landmark document” na layuning mas mapalakas ang social protection, access to justice at health services sa pagbubukas ng 31st ASEAN Summit kahapon ng umaga sa Cultural Center of the Philippines (CCP).
                  “I will be joining ASEAN leaders in signing landmark document that would strengthen social protection, access to justice & health services,” wika ni Pangulong Duterte sa kanyang opening statement sa pormal na pagbubukas ng 31st
 ASEAN Summit.
                    Sa kanyang opening statement, tinukoy ni Du­terte ang isyu ng terorismo na banta ng seguridad ng ASEAN, ang naganap sa Marawi City at sa mga suportang tinanggap ng Pilipinas mula sa mga kaalyadong bansa.
                    Nagpasalamat si Du­terte sa mga ASEAN countries at dialogue partners sa pagtulong sa komunidad na naapektuhan ng Marawi crisis.
                  “Our ASEAN brothers provided support by sending relief items, while others boosted our military,” dagdag pa nito.
                    Binanggit pa ng Pa­ngulo ang isyu ng illegal drugs na banta sa buhay at seguridad ng mamamayan at buong mundo.
                    “Illegal drugs endanger the very fabric of our being. Terrorism and extremism endanger security of ASEAN,” wika pa ni Pangulong Duterte.
                     Pinasimulan ang summit opening sa traditional handshake ng mga world leaders dakong alas-9:47 ng umaga na sinundan ng pagkanta ng ASEAN hymm na may titulong “ASEAN Song of Unity” bago nagsalita ang Pangulo.

Friday, November 10, 2017

Mga raliyesta gustong ipamukha sa ASEAN Summit na naging madugo ang kanilang kilos protesta

                     Isa sa mga paraang naisip ng mga kontra Duterte ang ipakita at ipamukha sa mga bisita sa ASEAN Summit na naging marahas at madugo ang kanilang ginagawang kilos protesta.

                     Ibat-ibang grupo ang nagrarally ngayon malapit sa may US embassy para daw ipakita ang kanilang sentimento. Pero hindi lang rally ang pakay nila, gusto talaga nilang pagalitin ang ating mga kapulisan para sila ay masaktan at para may pagpiyestahan ang mga main stream media na kasabwat ng kultong dilawan.

                     Pero pasalamat tayo sa ating mga kapulisan na naging matatag at hindi kumakagat sa mga ginagawang pananakit ng mga hunghang na raliyesta. Kung ang gusto nila ay magrally lang pwede silang magrally ng boung buwan pero talagang inuudyok nila ang ating mga kapulisan para sila ay masaktan at makunan ng video.

                    Hindi na uubra mga bulok na istilo ninyong mga bayarang raliyesta. Ang sasarap ninyong pagbubuhusan ng kumukulong tubig. Dapat ang iproprotesta ninyo ang katamaran ng ibang senador na walang ginawa kundi magpapansin. Hindi yata alam na ang trabaho ng senador ay ang mag-isip ng mga batas para sa ikabubuti ng lahat. At hindi ang kung sinu-sino na lang ang pagsasampahan ng mga walang kwentang kaso.

                 

Wednesday, November 8, 2017

Pnoy todo deny sa mga kasong kinakaharap

                Kinasuhan na sa Sandiganbayan ng Office of the Ombudsman si dating Pangulong Noynoy Aquino kaugnay ng “Oplan Exodus” sa Mamasapano, Maguindanao na ikinasawi ng 44 miyembro ng PNP-Special Action Force (SAF) noong Enero 2015.
                Mga kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Article 177 ng Revised Penal Code o Usurpation of Official Function ang inihain laban sa dating pangulo.

                Matatandaan na sa Oplan Exodus ay napatay ang target na teroristang si Zulkifli Binhit alyas Marwan subalit napatay din ang tinaguriang SAF 44.
                Taliwas naman ito sa inihaing reklamo ng mga kaanak ng SAF 44 sa Ombudsman laban kay Aquino na reckless imprudence resulting in homicide subalit hindi ito kinatigan ng anti-graft body dahil sa kawalan ng ebidensiya.
                 Base sa impormasyon ng kaso, dapat managot si Aquino sa Mamasapano incident dahil iligal ang ginawa niyang pagpayag kay dating PNP Chief Alan Purisima na makiisa sa pagplano at pangunahan ang implementasyon ng Oplan Exodus habang siya ay suspendido pa.
                 Ang suspension noon ni Purisima ay para sa hiwalay niyang kaso kaugnay naman sa umano’y ano­malya sa courier service para sa lisensya ng baril.
                Sa naging paliwanag noon ni Aquino, ibinaling niya ang pananagutan sa sinibak na si Purisima at dating PNP-SAF director Chief Supt. Getulio Napeñas kaya’t pumalya ang operasyon.
                Nauna namang nai­sampa sa Sandiganbayan ang kaso sa mga kapwa akusado ni Aquino na sina Purisima at Napeñas.
                Inirekomenda ng Ombudsman ang P30,000 piyansa para sa kasong graft at P10,000 para sa kasong usurpation of official function para sa pansamantalang kala­yaan ni Aquino.

Kasong rape laban sa trader na sangkot sa P6.4-B shabu shipment, ibinasura

                 Ibinasura kahapon ng Parañaque City Regional Trial Court ang kasong rape laban sa isang negosyante na da­ting humarap sa Senado at isa sa isinasangkot sa illegal na pagkakapuslit ng may P6.4 billion shabu shipment sa Bureau of Customs (BOC).
                 Ang kasong rape laban sa kilalang negos­yanteng si Kenneth Dong ay ibinasura sa sala ni Parañaque City Regional Trial Court (RTC) Judge Aida Estrella Macapagal ng Branch 195 matapos umanong umurong ang 33-anyos na complainant sa kasong panggagahasa na naganap noong Abril 10, 2016 sa Parañaque.
                  Kinumpirma ito kahapon ng abogado ni Dong na si Atty. John Ungab.

                  Ang pagkakabasura sa kasong panggagahasa laban kay Dong ay bunsod sa inihaing “affidavit of desistance” ng complainant nito, dahilan upang palayain siya ng National Bureau of Investigation (NBI) kung saan siya nakakulong.
                   Hindi naman idinetal­ye ni Ungab kung bakit umurong sa kaso ang babaeng nagsampa ng kaso laban sa kanyang kliyente.
                   Si Dong ay unang inaresto ng mga tauhan ng  NBI noong Agosto 15 habang dumadalo sa pagdinig ng Senado kaugnay sa P6.4 billion illegal shabu shipment sa BoC.
                   Magugunita na tinukoy ng testigong si Mark Taguba sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa pagkakapuslit ng P6.4 bilyong shabu sa BOC na si Dong ang nagsilbing “middleman” sa Chinese businessman na si Richard Tan na nagmamay-ari naman ng isang warehouse sa Valenzuela City na binagsakan ng 604 kilong shabu.
                   Si Dong ay sinasabing malapit din sa mga politiko tulad nina Senators Miguel Zubiri, Risa Hontiveros, Senator Francis Pangi­linan, Joel Villanueva at Senate President Pro-tempore Ralph Recto.

Killer ng Grab driver nakonsensya, sumuko

                    Sumuko na sa mga awtoridad ang pangunahing suspect sa pagpatay sa Grab driver na si Gerardo “Junie’ Maquidato Jr., na iniharap sa media ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Director General Ronald “Bato “ dela Rosa sa Camp Crame kahapon.
                   Kinilala ang suspect na si Narc Tulod Delemios , guma­gamit ng mga alyas na Miko at Real Nikolo Delemios.
                    Ayon kay dela Rosa si Delemios ay natukoy na siyang bumaril at nakapatay kay Maquidato na hinoldap nito noong Oktubre 26 ng gabi sa Bonanza Street, Brgy. 189, Don Carlos Village sa lungsod ng Pasay.
                    Ang suspect ay sinundo ng mga pulis nitong Martes ng gabi sa tahanan nito sa Kaymito Street . Brgy. Sto Niño , Pasay City matapos na magpahayag ng hangarin ang biyenang babae ng suspect na pasukuin na ito ng mapayapa sa mga awtoridad .
                     Ayon sa imbestigasyon, ang suspect ay nagpanggap na pasahero ng Grab na ginamit sa pagpapa-book ang mobile phone ng kaniyang live-in partner na si Giselle Capati, 23, na una nang natukoy ng mga awtoridad matapos na suriin ang cellphone ng biktima.Nabatid na matapos na barilin si Maquidato ay tinangay pa ng suspek ang perang kinita ng nasabing Grab driver at kinarnap ang minamaneho nitong Toyota Innova van na narekober ng pulisya sa Brgy. Matatalaib, Tarlac City kamakalawa.
                  Sa imbestigasyon,  sinabi ni dela Rosa na ang suspect ay may standing warrant of arrest sa Parañaque Regional Trial Court (RTC) Branch 257 kaugnay ng pagpatay sa biktimang si Gino Balbuena noong Oktubre 2014 sa Baclaran.

P1-M marijuana plantation sinalakay sa Sultan Kudarat!

              Sinalakay ng mga anti-narcotics agent nitong Lunes ang isang plantasyon ng marijuana sa Palimbang, Sultan Kudarat, at binunot ang mga halaman ng marijuana na nagkakahalaga ng aabot sa P1 milyon.
             Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Region 12 Director Cesario Gil Castro, kasama ang mga tauhan ng Philippine Marines ay sinalakay nila ang liblib na Barangay Napnapon sa Palimbang, kasunod ng impormasyong natanggap nila na mayroong plantasyon ng marijuana sa lugar na pinangangasiwaan ng isang “Motmot Sakay”.
             Gayunman, nakatakas si Sakay sa kasagsagan ng anti-drug operation.
            Kilala sa pagbebenta ng marijuana sa lugar, kakasuhan si Sakay sa pagtatanim ng mga halamang maituturing na dangerous drug.
            Nito lamang Nobyembre 4 ay sinalakay din ng PDEA ang isa pang plantasyon ng marijuana sa liblib na Bgy. Sumalili sa Arakan, North Cotabato.
            Nakumpiska ang mga halaman at binhi ng marijuana na nagkakahalaga ng P500,000 mula sa nagtatanim nitong si Jerome Tulosan, 25, na isa sa big-time marijuana trafficker sa North Cotabato.
            Sinilaban naman ng raiding team ang mga nasamsam na halamang marijuana sa lugar.
            Nakasuhan na si Tulosan, na nakapiit ngayon sa detention facility ng PDEA-Region 12 sa General Santos City.