Arestado ang anim na katao, kabilang ang Filipino-American, sa pagsalakay ng Philippine Drug Enforcement Agency-Special Enforcement Services (PDEA-SES) sa umano’y laboratoryo ng ecstasy sa Mandaluyong City, kahapon ng madaling araw.
Sa report ni PDEA Director General Aaron N. Aquino, kinilala ang isa sa mga naaresto na si Dennis Ray Aguilar Thieke, 37, na umuupa sa sinalakay na condominium na matatagpuan sa Unit 2104, 21st floor, Eugenia Tower, Tivoli Garden Residence Coronado Street, Barangay Hulo ng nasabing lungsod.
Inaresto rin sa loob ng nabanggit condominium unit sina Dianh Carlo Lescano Malayo, 25; Belinda Morrison, 25; Ian Micthelle Custorio, 31; Ymmanuel Orfelia Parada, 26; at Pancrasio Masinsin Parada, 53.
Nasamsam mula sa pinangyarihan ang 12 gramo ng umano’y shabu, 36 na tableta at 9 na capsule ng umano’y ecstasy, 13 iba’t ibang botelya na naglalaman ng umano’y liquid ecstasy, limang pakete ng umano’y cocaine, pinatuyong dahon ng umano’y marijuana, isang bote na naglalaman ng kemikal, isang M4 na baril na may dalawang magazine, mga bala at paraphernalia.
Nadiskubre rin sa pinangyarihan ang laboratory apparatus at mga kemikal.
Sinampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
No comments:
Post a Comment