Ibinasura kahapon ng Parañaque City Regional Trial Court ang kasong rape laban sa isang negosyante na dating humarap sa Senado at isa sa isinasangkot sa illegal na pagkakapuslit ng may P6.4 billion shabu shipment sa Bureau of Customs (BOC).
Ang kasong rape laban sa kilalang negosyanteng si Kenneth Dong ay ibinasura sa sala ni Parañaque City Regional Trial Court (RTC) Judge Aida Estrella Macapagal ng Branch 195 matapos umanong umurong ang 33-anyos na complainant sa kasong panggagahasa na naganap noong Abril 10, 2016 sa Parañaque.
Kinumpirma ito kahapon ng abogado ni Dong na si Atty. John Ungab.
Ang pagkakabasura sa kasong panggagahasa laban kay Dong ay bunsod sa inihaing “affidavit of desistance” ng complainant nito, dahilan upang palayain siya ng National Bureau of Investigation (NBI) kung saan siya nakakulong.
Hindi naman idinetalye ni Ungab kung bakit umurong sa kaso ang babaeng nagsampa ng kaso laban sa kanyang kliyente.
Si Dong ay unang inaresto ng mga tauhan ng NBI noong Agosto 15 habang dumadalo sa pagdinig ng Senado kaugnay sa P6.4 billion illegal shabu shipment sa BoC.
Magugunita na tinukoy ng testigong si Mark Taguba sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa pagkakapuslit ng P6.4 bilyong shabu sa BOC na si Dong ang nagsilbing “middleman” sa Chinese businessman na si Richard Tan na nagmamay-ari naman ng isang warehouse sa Valenzuela City na binagsakan ng 604 kilong shabu.
Si Dong ay sinasabing malapit din sa mga politiko tulad nina Senators Miguel Zubiri, Risa Hontiveros, Senator Francis Pangilinan, Joel Villanueva at Senate President Pro-tempore Ralph Recto.
No comments:
Post a Comment