Kinasuhan na sa Sandiganbayan ng Office of the Ombudsman si dating Pangulong Noynoy Aquino kaugnay ng “Oplan Exodus” sa Mamasapano, Maguindanao na ikinasawi ng 44 miyembro ng PNP-Special Action Force (SAF) noong Enero 2015.
Mga kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Article 177 ng Revised Penal Code o Usurpation of Official Function ang inihain laban sa dating pangulo.
Matatandaan na sa Oplan Exodus ay napatay ang target na teroristang si Zulkifli Binhit alyas Marwan subalit napatay din ang tinaguriang SAF 44.
Taliwas naman ito sa inihaing reklamo ng mga kaanak ng SAF 44 sa Ombudsman laban kay Aquino na reckless imprudence resulting in homicide subalit hindi ito kinatigan ng anti-graft body dahil sa kawalan ng ebidensiya.
Base sa impormasyon ng kaso, dapat managot si Aquino sa Mamasapano incident dahil iligal ang ginawa niyang pagpayag kay dating PNP Chief Alan Purisima na makiisa sa pagplano at pangunahan ang implementasyon ng Oplan Exodus habang siya ay suspendido pa.
Ang suspension noon ni Purisima ay para sa hiwalay niyang kaso kaugnay naman sa umano’y anomalya sa courier service para sa lisensya ng baril.
Sa naging paliwanag noon ni Aquino, ibinaling niya ang pananagutan sa sinibak na si Purisima at dating PNP-SAF director Chief Supt. Getulio Napeñas kaya’t pumalya ang operasyon.
Nauna namang naisampa sa Sandiganbayan ang kaso sa mga kapwa akusado ni Aquino na sina Purisima at Napeñas.
Inirekomenda ng Ombudsman ang P30,000 piyansa para sa kasong graft at P10,000 para sa kasong usurpation of official function para sa pansamantalang kalayaan ni Aquino.
No comments:
Post a Comment