Nakabalik na si Pangulong Duterte mula sa kanyang state visit sa Japan at kaagad na inilahad ang karaniwan nang ayudang pang-ekonomiya na ipinangako ng bansa, kabilang ang pledge na isang trilyong yen — $9 billion — para tulungang pondohan ang malawakang programang imprastruktura ng administrasyong Duterte sa mga susunod na taon.
Ang unang kasunduan sa pautang ay nilagdaan nitong Lunes, ang unang araw ng state visit ng Pangulo. Ito ay para sa 15.92 billion yen (P7.25 bilyon) lan para sa proyektong Cavite Industrial Area Flood Risk Management. Ang isang proyekto na magkakaroon ng malaking epekto sa buhay ng mga taga-Metro Manila ay ang subway system na inaasahang epektibong makareresolba sa problema ng lugar sa lumulubhang trapiko.
Subalit higit pa sa ekonomiya, isinusulong ng Pilipinas at Japan ang malapit na ugnayan sa harap ng personal na ugnayang namamagitan kina Pangulong Duterte at Prime Minister Shinzo Abe. Nang bumisita sa Pilipinas ang prime minister noong Enero, hindi natin nasaksihan ang karaniwan nang ceremonial call sa Malacañang, na kumpleto pa sa nakapalibot na military honor guard. Nagtungo si Prime Minister Abe sa bahay ng Pangulo sa Davao City kung saan mainit siyang tinanggap na parang miyembro ng pamilya.
Inihayag ng prime minister nitong Martes sa Tokyo na ang nasabing pagbisita niya, na na-post sa Facebook, ay umani ng mahigit sa isang milyong views, karamihan ay mga Pilipino mula sa iba’t ibang dako ng mundo. Sa kanya namang talumpati sa Tokyo, pinasalamatan ni Pangulong Duterte si Prime Minister Abe at ang asawa nito sa pagiging punong abala sa inilarawan niyang “reunion between friends”. Ang namamagitan sa kanila ay pagkakaibigang “beyond official lines”, aniya.
Mayroong partikular na aspeto ang ugnayan ng mga bansang Asyano na hindi karaniwa ng makikita sa ibang bahagi ng mundo. Ito ang personal na aspeto na nakaiimpluwensiya sa mga ugnayang opisyal. Ito ang bahagi ng pagiging tao na matinding tumutugon sa mga personal na pag-atake, kaya naman gumanti ng pang-iinsulto ang Asyanong tulad ni Kim Jong Un ng North Korea kay United States President Donald Trump. Ang pagbalikwas mula sa kahihiyan ay higit na mahalaga kaysa prangkang lohikal na pag-aanalisa sa sitwasyon.
Sina Pangulong Duterte at Prime Minister Abe ay mga Asyanong pinuno na nauunawaan, tinatanggap, at inirerespeto ang isa’t isa, at ang personal nilang ugnayan ay higit pang maglalapit sa dalawang bansa. Pananatilihin natin ang matagal na nating ugnayan sa Amerika at isinusulong ang pagiging mas malapit pa sa China at Russia, subalit nasasaksihan mismo natin ang higit pang pagiging malapit ng Pilipinas at Japan sa mga susunod na taon, dahil kina Pangulong Duterte at Prime Minister Abe.
No comments:
Post a Comment