Tiniyak kahapon ni United States President Donald Trump kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kanilang bilateral talks na kaibigan niya ang Duterte administration.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, tumagal ng halos isang oras ang bilateral meeting nina Pangulong Duterte at Trump kung saan ay pinatatag pa lalo nito ang ugnayan ng Pilipinas at US na ginanap sa PICC, Pasay City matapos ang formal opening ng plenary session ng 31st ASEAN Summit sa Cultural Center of the Philippines (CCP).
Ayon kay Roque, nagkaroon ng prangkang usapan sina Pangulong Duterte at Trump na inabot ng 40 minuto kung saan siniguro ni Trump na kaibigan siya ng Pangulo at gaya ng nagdaang mga administrasyon ng Estados Unidos ay patuloy ang “close ties” o magandang relasyon sa pagitan ng dalawang nabanggit na bansa.
Nangako si Trump na malalapitan siya bilang isang kaibigan ng Duterte administration.
Sinabi ni Roque na hindi natalakay sa pag-uusap nina Duterte at Trump ang isyu ng karapatang pantao.
“The issue of human rights did not arise. It was not brought up,” wika ni Roque.
Mismong si Pangulong Duterte umano ang nagbukas ng isyu ng drug war nito kay Trump at walang opisyal na inilabas na posisyon ang US president sa mainit na usapin sa extra judical killings o human rights.
“It was President Duterte who discussed with President Trump the drug menace in the Philippines, and the US President appeared sympathetic and did not have any official position on the matter, merely nodding his head, indicating that he understood the domestic problem that we face on drugs,” dagdag ni Roque.
Tinalakay din ng dalawang lider ang usapin ng kalakalan at iminungkahi ni Pangulong Duterte ang kahalagahan ng pagkakaroon ng free trade sa pagitan ng Pilipinas at US at sinabi ni Trump na kanyang pag-aaralan ang usapin.
Pinasalamatan umano ni Duterte si Trump dahil sa mga tulong ng US sa Marawi conflict.
Pinuri at pinasalamatan pa ni Trump ang Pangulo sa matagumpay na pagiging host ng 31st ASEAN Summit.
“Rodrigo (Pres. Duterte), I would like to commend you on your success as ASEAN chair at this critical moment of time ...The show last night was fantastic. And you were fantastic,” wika ni Trump sa ginanap naman na ASEAN-US 40th Anniversary Commemorative Summit.
Muling tiniyak ng US president na lalong palalakasin ng Trump administration ang relasyon nito sa Pilipinas gayundin sa ASEAN.