Naging bahagi ng bulung-bulungan ng mga sundalo at pulis sa mga kampo ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo R. Duterte na malaki ang naitulong ng China at Russia sa giyera sa Marawi City. Pinatunayan niya ito nang ikuwento pa niyang ang sniper fire na nakapatay sa mga bandidong sina Isnilon Hapilon at Omar Maute ay galing umano sa mga baril na gawa sa naturang mga bansa.
Kasama sa bulungan sa loob ng mga kampo ang mga katagang: “Fake news ang balitang ‘yan!” na may kasabay pang waring nang-uuyam na mga impit na pagbungisngis. Marami naman kasing bansa na kaalyado ng Pilipinas ang tumutulong sa militar at pulis sa giyera sa Marawi, subalit ni minsan ay hindi nabibigyan ng lantarang pagpapahalaga ang kanilang suporta, gaya ng ibinigay sa China at Russia, na mismong si Pangulong Duterte pa ang bumanggit.
Ang naging pahayag kasing ito ni Pangulong Duterte ay salungat sa mga naunang pahayag ng mga pinuno ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na sinusugan pa ng Department of National Defense (DND). Ayon kasi sa mga ito, si Maute lamang ang natumba sa pamamagitan ng sniper fire, samantalang si Hapilon ay winalis ng mga bala ng machine-gun na galing sa armored vehicle na gawa sa Israel.
Mismong ang mga kaibigan ko sa intelligence community na paikut-ikot sa Mindanao upang i-monitor ang mga nangyayari sa Marawi City at kanugnog na lalawigan nito, ang nagkuwento sa akin ng hinggil dito.
Kinumpirma nila na ang mga operatiba ng pamahalaan na sumasabak sa bakbakan doon ay armado ng pangkaraniwang issue sa kanila na kung tawagin ay “Remington M24 sniper weapon system and the Knights Armaments SR-25”, na gawa sa USA.
Ang biruan pa nga ng mga sundalo ay matapos daw maiputok ng karamihan sa kanila ang mga baril na gawang China ay wala nang gustong humawak at gumamit nito sa aktuwal nilang pakikipaglaban. Ang sabi, “Doon na lamang kami sa dati naming ginagamit!”
Totoo naman ang kuwentong nagkaloob ang China ng mga “sophisticated” na baril na tinatawag na CS/LR-4 sniper rifles sa AFP, ngunit ang mga ito, ayon sa mga opisyal ng militar ay “still being evaluated and tested until now and are not used yet in combat.”
Ang PNP ay nakatanggap din ng mga baril na gawang China, ang Dragunov-copy Type 85 marksman rifles—na kasalukuyan pa rin umano na karamihan sa mga baril na ito ay tine-testing pa rin kung gaano kaepektibo sa larangan ng bakbakan.
Kung ano ang motibo ni Pangulong Duterte sa mga pahayag niyang ito na tampulan ng usap-usapan at bulungan sa mga kampo ng pulis at militar sa buong bansa ay siya lamang ang nakaaalam. Sana naman ay biro rin lamang ito at hindi bahagi ng nakagawian na niyang pagpapatutsada sa Amerika at Europa, dahil sa sinasabi niyang pakikialam ng mga ito sa kampanya ng kanyang administrasyon laban sa mga sindikato ng droga sa buong bansa.
No comments:
Post a Comment