Sunday, October 22, 2017

Zubiri sinabing mabubulok sa kulungan ang miyembro ng Aegis Juris fraternity

                           Sinabi ni Sen. Juan Miguel Zubiri na mabubulok sa detensyon sa Senado ang miyembro ng Aegis Juris na si Arvin Balag dahil sa paulit-ulit niyang pagtanggi na kumpirmahin kung siya ang kasalukuyang presidente ng fraternity matapos ang isinagawang pagdinig kaugnay ng pagkamatay ni Horacio “Atio” Castillo III.


                          “Mabulok siya doon dahil unang-una, masyado siyang duwag,” sabi ni Zubiri.
Kasalukuyang nakadetine si Balag sa detention facility ng Senado matapos siyang i-cite in contempt ng committee on public order and dangerous drugs matapos igiit ang kanyang karapatan laban sa self-incrimination sa isinagawang imbestigasyon kaugnay ng pagkamatay  ni Castillo, na isang University of Santo Tomas (UST) freshman law student.

                          “Sa ngayon wala pa siyang pinapadalang feelers at kung mayroon man siyang pinapadalang feelers, bahala siya sa buhay niya. Mabulok siya doon,” dagdag pa ni Zubiri
Sa naging pagdinig noong Oktubre 18, tinanong ni Sen. Grace Poe si Balag kung siya ang presidente ng fraternity ngunit paulit-ulit itong tumanggi na sagutin ito.


                            “Dahil unang-una masyado siyang duwag. Ayaw niyang aminin na siya yung leader ng kanilang fraternity. Tama yung sinabi ni Senator Grace (Poe) na anong klaseng leader ito, na he doesn’t man up,” ayon pa kay Zubiri.

                             Idinagdag ni Zubiri na maliwanag naman na base sa mga leaflefts ng fraternity na si Balag ang presidente.

                           “Klarong-klaro naman sa mga leaflets sa mga pinirmahang dokumento sa eskwelahan na siya yung talagang head na tinatawag na GP,” dagdag ni Zubiri.

                            Sinabi pa ni Zubiri na mananatili si Balag sa detensyon hanggang bumalik ang Senado sa sesyon pagkatapos ng recess sa Nobyembre.

                             “Ang mangyayari sa kanya siguro pagbalik after break, before we can discuss na Atio Castillo case again, eh mabubulok muna siya diyan sa Senado,” ayon pa kay Zubiri. 

No comments:

Post a Comment