NAG-IIBA na ang tono ng pananalita ni President Rodrigo Roa Duterte
(PRRD) ngayon sa United States na lagi niyang minumura at sinisisi dahil
umano sa pakikialam sa PH affairs. Kung noon ay minura niya (son of a
bitch) si US ex-Pres. Obama at idinamay ang buong bansa ni Uncle Sam sa
kanyang galit, ngayon ay medyo mabait at “friendlier” na siya at
kinikilala ang pagtulong ni Tata Sam kay Juan dela Cruz, lalo na sa
Marawi City crisis.
Habang
isinusulat ko ito (noong Martes), mukhang si Cielito “Honeylet”
Avancena, ang kanyang loving partner, ay nasa Amerika pa sapul nang
sumabay sa delegasyon ng Pilipinas para dumalo sa United Nations General
Assembly (UNGA) na pinamumunuan ni DFA Sec. Alan Peter Cayetano.
May sapantaha ang ating kababayan na “mabait at mapagkaibigan” ngayon
si Pangulong Duterte sa US sapagkat ang minamahal niyang Honeylet ay nasa
“Land of Wine and Roses” pa, bukod sa kinikilala niya ngayon ang tulong
ng Amerika sa Pilipinas. May bumulong nga sa akin na baka raw tinawagan
ng kanyang giliw si PRRD upang paalalahanan na tigilan ang pagmumura sa
US habang siya ay naroroon pa.
Sa pambihirang pagbaligtad (turnaround) ni PDU30 sa kanyang usual na
pagmumura at pagkagalit sa bansa ni Uncle Sam, sinabi niyang ang
kalupitan at kabuhungan (atrocities) ng mga Kano laban sa Filipino
Muslims noong colonial period—panangga niya sa kritisismo tungkol sa
kanyang war on drugs— ay “water under the bridge” na. Ganito ang
pagbaligtad ni Pres. Rody: “It was bad enough there were foreigners and
yet this has to happen. (There were) many other massacres especially in
Mindanao and the Moros. These are all water under bridge.” Inihayag ni
Mano Digong ito sa ika-116 na anibersaryo ng Balanginga massacre sa
Eastern Samar noong Setyembre 28.
Nagtataka ang ating mga kababayan kung bakit pinapartikular ni
Pangulong Duterte ang atrocities o kabuhungan at pamiminsala ng US
samantalang ang Japan at China ay grabe rin ang nagawang pinsala at
pagdapurak sa Pilipinas sa nakalipas na panahon. Noong World War II,
sinakop at dinurog ng Japan ang PH, ginahasa at ginawa pang “comfort
women” ang ating kababaihan. Ang China naman ay sinalakay ang ating
bansa sa pamumuno ni Limahong at inalipin ang mga katutubo. Hanggang
ngayon,… mga Chinese ang may hawak ng ekonomiya at negosyo sa ‘Pinas,
pero kinakaibigan pa rin ni PRRD si Japanese PM Abe at Chinese Pres. Xi
Jinping. Sabi nga ni FVR, puwede namang kaibiganin ang Russia at ang
China nang hindi makikipagkagalit sa US.
No comments:
Post a Comment